Makakatulong ang water sources sa Laguna Lake sa gitna ng pinangangambahang kakapusan ng tubig dahil na rin sa inaasahang epekto ng El Niño.
Sa kamakailang Laging Handa briefing, inihayag ni Dr. Sevillo David Jr., Executive Director ng National Water Resources Board (NWRB) na may ginagawa silang hakbang para makatulong ang lawa ng Laguna at maibsan ang inaasahang epekto ng tagtuyot sa ilang mga dam gaya ng Angat.
May treatment facilities sa Laguna Lake, sabi ni David, na maaaring maglinis ng tubig doon at maka-ambag sa kailangang suplay na magagamit ngayong panahon ng tag- init.
Bukod dito, ayon sa NWRB official, ay mayroon pa silang nakaabang na supply augmentation measures. Ito ay ang paggamit sa mga tagas ng tubig na narerekober na idaraan naman sa treatment.
Ang nabanggit na mga inisyatibo ayon kay David ay gagawin bilang paghahanda na din sa epektong idudulot ng inaasahang kabawasan ng mga pag-ulan bunsod ng El Niño. | ulat ni Alvin Baltazar