Sinabi ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senadora Imee Marcos na magandang pagkakataon ang magiging working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Estados Unidos para matalakay ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), partikular ang bagong terms and conditions nito.
Kabilang sa mga tinukoy ni Senadora Imee na dapat ikonsidera ay ang probisyon tungkol pagbabayad ng US para sa paggamit nito ng military facilities ng Pilipinas, proteksyon ng mga Pilipina mula sa prostitusyon at ang makukuhang benepisyo ng mga komunidad mula sa presensya ng US military.
Samantala, naniniwala ang senadora na hindi na mangangailangan ng ratipikasyon ng senado ang bagong EDCA.
Pinunto ng mambabatas ang naunang desisyon ng Korte Suprema na ang EDCA ay isang executive agreement lang at hindi na kailangang dumaan sa mataas na kapulungan.
Sa kabila nito, posible pa rin aniyang may kinuwestiyon pa rin dito sa SC.
Matatandaang sa ilalim kasi ng konstitusyon, ang lahat ng kasunduan na papasukin ng Pilipinas sa ibang mga bansa ay dapat dumaan at ratipikahan muna ng senado. | ulat ni Nimfa Asuncion