Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang nasa ₱19 milyong halaga ng shabu.
Ayon kay BOC-NAIA District Collector, Atty. Yamin Mapa, nadiskubre ang halos tatlong kilo ng hinihinalang shabu sa isang abandonadong bagahe na sakay ng Philippine Airlines Flight PR-737 buhat sa Bangkok, Thailand.
Pero sa inisiyal na imbestigasyon ng BOC-NAIA, nabatid na nagmula pa sa Addis Ababa sa Ethiopia ang nasabing kontrabando, at isinakay ito sa isang connecting flight sa Thailand bago nakarating sa Pilipinas.
Laman ng nasabing bagahe ang iba’t ibang damit, pantalon at range tools kung saan doon nakasilid ang hinihinalang shabu, na nakita ng BOC-NAIA x-ray operator na si Norman Peñaflor nang idaan ito sa security check.
Agad namang inilipat ng BOC-NAIA sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing bagahe para isailalim sa mas malalim na imbestigasyon. | ulat ni Jaymark Dagala 📸: BOC-NAIA