Kinilala ng Anti Red Tape Authority (ARTA) ang mabilis na pagtugon ng dalawang lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng streamlined at digitalization ng electronic Business One-stop Shop o eBOSS.
Sa ika-limang taon na anibersaryo ng ARTA na ginawa sa Manila Hotel, pinarangalan nito ang Marikina City at Lapu-Lapu City Cebu dahil sa ipinatutupad na Ease of Doing Business sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ilalim ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business Act, inutusan ang lahat ng mga tanggapan ng gobyerno na pabilisin ang lahat ng mga transaksyon, at bawasan ang proseso ng mga dokumento sa pamahalaan.
Sa ngayon, walong LGU na sa buong bansa ang binigyan ng pagkilala dahil sa mabilis na implementasyon ng naturang batas.
Ito ay kinabibilangan ng Paranaque City, Valenzuela City, City of Manila, New Quezon City, Navotas City, Marikina City at Lapu-Lapu City.
Dahil sa eBOSS compliant ng mga nabanggit na LGU, napataas daw ng mga ito ang bilang ng mga business registration at tax and revenue collection sa kanilang mga lugar.
Sabi ni ARTA Sec. Ernesto Perez, wala ng rason ang mga LGU at iba pang government agency na ipatupad ang electronic business One-Stop Shop sa kanilang mga tanggapan.
Naisabatas ang Ease of Doing Business noong May 28, 2018 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpaabot naman ng pagbati sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Lisa Araneta Marcos, at Senate President Juan Miguel Zubiri sa tagumpay ng ARTA na mapabilis ang proseso ng mga transaction sa mga tanggapan ng pamahalaan. | ulat ni Michael Rogas