Ide-deploy ng PNP ang 22,000 pulis para rumesponde sa mga maapektuhan ng paparating na Bagyong Mawar.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan, ito’y alinsunod sa atas ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na tiyaking mabilis ang aksyon ng mga pulis sa mga mangangailangan ng tulong.
Sinabi ni Maranan na nakaalerto na ang mga Police Regional Office (PRO) sa mga lugar na inaasahang maapektuhan ng bagyo.
Naka-pre-position na rin aniya ang mga kagamitan at supply na gagamitin ng mga search and rescue teams ng PNP.
Tuloy-tuloy din aniya ang koordinasyon ng PNP sa mga lokal na pamahalaan sa paghahanda sa bagyo.
Pinaalalahanan naman ni Maranan ang mga pulis na reresponde sa bagyo na pag-ingatan din ang kanilang kaligtasan, upang mas epektibong makapaghatid ng tulong sa mga mamamayan. | ulat ni Leo Sarne