Binabantayan ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 300 barangay sa buong bansa na posibleng maimpluwensyahan ng NPA sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, ito ay mga lugar na dati nang na-clear sa NPA pero tinatangkang muling pasukin ng teroristang grupo.
Sinabi ni Aguilar na sisiguraduhin ng AFP na hindi makakapaghasik ng kaguluhan ang NPA sa naturang mga barangay na makakasagabal sa halalan sa Oktubre 30.
Nilinaw naman ni Aguilar na hindi itinuturing na election hot-spots ang naturang mga barangay.
Mayroon aniyang proseso sa pagdetermina ng election areas of concern ang Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns. | ulat ni Leo Sarne