Mas dumami pa ang bilang ng mga Pilipino ang nalululong sa paggamit ng iligal na droga sa bansa.
Ito ang lumabas sa isinagawang survey ng Philippine Anti Illegal Drugs Strategy matapos tanungin ang 9,341 Pilipino na may edad 10 hanggang 69.
Sa Media Health Forum, sinabi ni Dr. Gem Mutia, 17 rehiyon sa bansa, kabilang ang BARMM at CAR ang tinanong sa naturang survey.
Sa bilang ng mga gumagamit ng illegal drugs, 57% ang nagsabing minsan silang gumamit ng marijuana sa kanilang buhay at 35% naman ang nakatikim na ng shabu o methamphetamine hydrochloride.
Kaya naman, ipinapawagan ni Dr. Mutia sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagdinig sa panukalang batas para gawing legal ang paggamit ng cannabis bilang sangkap sa paggawa ng ilang gamot.
Sabi naman ni Dr. Richard Nixon Gomez, marami na ang advocates na humihingi sa mga mambabatas na ipasa na ang panukalang batas dahil mayroon namang kakayahan ang ilang mga kumpanya sa bansa para sa pagproseso ng marijuana bilang isang medicinal plant.
Dekada na daw ang naturang panukala ngunit hanggang ngayon ay hindi ito inaaksyunan ng mga kongresista at senador.
Sa Pilipinas, ang Bauertek Corporation ang kumpanya na mayroong kakayahan na magproseso ng medical cannabis bilang gamot sa ilang sakit tulad ng cancer, epilepsy, pneumonia at maraming iba pa. | ulat ni Michael Rogas