Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension sina Manila International Airport Authority (MIAA) Acting General Manager Cesar Chiong at MIAA Acting Assistant General Manager Irene Montalbo.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y kwestyonableng reassignment ni Chiong sa 285 na empleyado ng MIAA isang buwan mula nang umupo ito sa puwesto.
Batay sa inilabas na suspension order, inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na may basehan ang grave abuse of authority at grave misconduct na reklamo laban kay Chiong.
Nakasaad rin dito na naabuso ni Chiong ang kanyang awtoridad nang italaga si Montalbo bilang assistant general manager for finance and administration sa kabila ng unsatisfactory rating nito noong 2020.
May petsang April 28 ang inilabas na suspension order ng Ombudsman o ilang araw bago pa naganap ang power outage sa NAIA Terminal 3. | ulat ni Merry Ann Bastasa