Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa unang quarter ng taon ayon yan sa Social Weather Stations (SWS).
Batay sa isinagawang survey ng SWS mula March 26-29, 2023, lumalabas na nasa 19% ang adult joblessness mula sa labor force o katumbas ng 8.7 milyong Pilipinong walang trabaho noong Marso.
Mas mababa naman ito ng 2.3 puntos kumpara sa 21.3% noong December 2022 at 26% na naitala noong April 2022.
Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa 17.5% na joblessness noong pre-pandemic.
Ayon sa SWS, ang mga jobless adult ay kinabibilangan ng mga boluntaryong umalis sa kanilang trabaho, mga naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon o nawalan ng trabaho dahil sa economic circumstances.
Kumpara naman noong Disyembre ng 2022, bumaba ang quarterly joblessness sa Metro Manila, Balance Luzon, at Visayas.
Bumaba rin sa 11.6% mula sa 15.2% ang joblessness sa mga kalalakihan habang nananatili naman sa 30% ang joblessness sa mga kababaihan. | ulat ni Merry Ann Bastasa