Isinusulong ni Senador Cynthia Villar ang agarang pagpapasa ng isang panukalang batas na layong tugunan ang nakakaalarmang pagtaas ng obesity sa Pilipinas.
Layon ng Senate Bill 2230 ng senador, na magkaroon ng komprehensibong nationwide anti-obesity campaign para makontrol at maiwasan ang obesity sa mga Pilipino.
Iginiit ni Villar, na mahalaga ang panukala para sa pagtitiyak sa kalusugan ng lahat ng mga Pilipino.
Pinunto ng mambabatas, na ang bilang ng mga overweight at obese na Pilipino ay umabot na ng 27 million, base sa datos ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology.
Kaya naman kung wala aniyang proactive na hakbang na gagawin ay posibleng lalong tumaas ang bilang ng mga overweight at obese sa bansa, na maaaring umabot sa 30 percent ng mga adolescent Pinoy pagdating ng taong 2030.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang multi-sectoral committee na pangungunahan ng Department of Health (DOH) para magpatupad ng isang National Anti-Obesity Prevention and Control Program.
Ito ang magsasagawa ng mga awareness at prevention program, magbibigay ng konsultasyon sa mga health center, at magsasagawa ng information at education campaign tungkol sa pag iwas at pag kontrol sa obesity. | ulat ni Nimfa Asuncion