Kinumpirma ni House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga na agad ipagpapatuloy ng kanilang komite ang imbestigasyon sa isyu ng price at supply manipulation ng sibuyas sa pagbabalik sesyon ng Kamara.
Sa isang mensahe, sinabi ni Enverga na itinakda nila ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa May 11.
Nagpaalala naman ito sa mga resource person lalo na yung mga lumiban sa nakaraang pagdinig na kailangan silang dumalo.
Kung wala aniyang valid na dahilan ang kanilang pagliban ay ipapa-contempt na sila ng Komite.
Kung matatandaan sa huling hearing ng komite bago ang Holy Week break ng Kongreso, halos lahat ng imbitadong resource person ay hindi nakadalo dahil nagkasakit.
Kasama na rito si Leah Cruz na sinasabing ‘Sibuyas Queen’.
“We hope na mag-cooperate sila dito. Seryoso po si Speaker Martin Romualdez na maabot natin kung ano talaga yung mga pangyayaring naganap noong Disyembre [2022] na nagpahirap sa ating mga kababayan. So mahalaga na sa susunod na hearing present sila. May pasubali na kami to some of the resource person na hindi nagpakita nung huli na in the event the do not appear with no valid reason they can be cited in contempt,” saad ni Enverga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes