Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) ang alegasyon ng umano’y panibagong “fertilizer scam” sa inilabas na Memorandum Order 32 kaugnay sa pamamahagi ng biofertilizer sa mga magsasaka.
Tugon ito ng DA, matapos kuwestyunin ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang umano’y sobra-sobrang presyuhan na itinakda ng DA sa biofertilizer.
Giit naman ni Dr. Valentino Ferdido, Focal Person ng Special Concerns sa ilalim ng Masagana Rice Program, hindi nakapako ang presyo ng biofertilizer sa nakasaad sa memorandum dahil idadaan pa rin ito sa competitive bidding process.
Ikukonsidera rin aniya sa bidding kung anong biofertilizer ang magiging pinaka-epektibo sa mga magsasaka.
Ipinunto naman ni Dr. Ferdido na batay sa pag-aaral, mas maganda ang epekto sa palayan at mas makakatipid ang mga magsasaka kung biofertilizer ang gagamitin kumpara sa urea fertilizer. | ulat ni Merry Ann Bastasa