Pinagtibay ng House Committee on Ways and Means ang panukalang magpaparusa sa mga indibidwal magpapasok o maglalabas ng bulto ng pera sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Anti-Bulk Cash Smuggling Bill, mahaharap sa pito hanggang 14 na taong pagkakakulong at multa na doble sa halaga ng tinangka nitong i-smuggle na pera ang sinomang pisikal na magpapasok o maglalabas ng lagpas ng $200,000 o katumbas nito sa ibang currency.
Ang mga magpapasok naman ng foreign currency na sobra sa $10,000 o katumbas nito ay maaaring humingi ng tulong sa Customs officer upang sagutan at ideklara ito sa Currencies Declaration Form at Customs Baggage Declaration Form.
Kasabay nito ay inaprubahan din ng komite ang pagbuo ng isang inter-agency committee on anti-bulk cash smuggling, na bubuuin ng Bureau of Customs, Anti-Money Laundering Council, Bangko Sentral ng Pilipinas, Bureau of Immigration, at iba pang airport authority. | ulat ni Kathleen Jean Forbes