Pinakikilos ni House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co ang legal division ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na sampahan ng kaso ang mga dating opisyal ng ahensya na sangkot sa paglilipat ng pondo ng free WiFi at government data center.
Sa briefing ng DICT sa komite hinggil sa paggamit nila ng kanilang pondo, lumabas na mayroong ginawang paglilipat ng pondo ang nakaraang pamunuan ng DICT.
“Isipin mo yung mga data ng agency tapos hindi rin ni-renew? Dinivert din yung pera. Magaling yata yung dating OIC Secretary. Balita ko maraming estafa cases yun e. I hear[d] yung data center nyo sa mga government agency hindi rin ni-renew so tigil din yung mga, icloud,” puna ni Co.
Ayon kay DICT Sec. Ivan Uy, pag-upo nila sa pwesto ay nagulat sila na sa 11,000 WiFi sites ay 3,900 na lang ang gumagana.
Lumalabas na ang budget pambayad sa pagpapatuloy ng subscription ay inilipat pala sa ibang WiFi project.
“…when we came in in July 2022, we were surprised why out of the 11,000 [wi-fi sites] only 3,900 were active and the rest were not active. Only to find out that in 2021, in the allocation of the budget for free wi-fi, there was no procurement for the renewal of the connectivity for the 11,000sites. So kaya by December of 2021 putol po, all sites were cut because there was no contract for renewal. The funds for renewing those sites were diverted to MMDA, to so many of the other different projects which should have been used to renew the subscription so that the site will continue.” paliwanag ni Uy
Natanong tuloy ng AKO BICOL solon kung nagsagawa na ba ng audit ang DICT at nagsampa ng kaso.
Tugon naman ng legal affairs head ng ahensya na si Asec. Renato Paraiso, hindi pa sila nakapagsagawa ng full audit bagamat mayroong ibinabang desisyon ang Department of Justice, na nagsasabing iligal ang ginawang paglipat ng pondo ng DICT sa programa ng MMDA.
Agad din namang binalik ng MMDA sa treasury ang naturang pera na nagkakahalaga ng P1.1 billion.
Pero sa ngayon, hirap pa ani Paraiso ang ahensya na magsampa ng kaso dahil sa dami ng kailangang ‘linisin’ sa DICT.
Pero diin ni Co, bilang legal ng ahensya ay trabaho nilang sampahan ng kaso ang mga tiwaling opisyal o empleyado ng ahensya.
“Hindi naman pupwede na they can just get away with that, yung dating administration. Kaya walang natututo sa atin…It’s juggling of funds, that’s a violation and you are the legal affairs. Hindi pwedeng maraming ginagawa, it’s part of your job description. To give advice, to give cases. Hindi pwdeng they can get away.” diin ng mambabatas | ulat ni Kathleen Forbes