Hinihimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magsagawa ng audit sa lahat ng mga pasilidad nito, kabilang na ang electrical audit, at magpatupad ng upgrade sa mga ito kung kinakailangan.
Ito ay matapos matukoy ng mga otoridad na ang main circuit breaker ng NAIA ang dahilan ng naranasang power outage kahapon.
Ayon kay Gatchalian, hindi katanggap-tanggap na nangyari na naman ang ganitong insidente ilang buwan lang matapos maparalisa ang buong air transport system noong unang araw ng taon.
Giit ng senador, dapat ay natuto na tayo mula sa nangyari noong bagong taon at naglatag na ng nararapat na redundancy measures para hindi na naulit ang insidente.
Sinabi rin ni Gatchalian, na dapat tinitiyak ng Manila International Airport Authority (MIAA), Department of Transportation (DOTr) at ng airline companies na narerespeto ang karapatan ng mga pasahero, kasama na ang compensation kapag nade-delay o nakakansela ang kanilang flights.
Kailangan aniyang natutugunan ang pangangailangan ng mga pasahero, at nasisiguro ang kanilang kaligtasan at convenience hanggang maging normal ang operasyon ng paliparan.
Binigyang diin ng mambabatas, na anumang pagkagambala o pagkaantala sa mga sistemang pang-transportasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ating ekonomiya kaya dapat itong pagbuhusan ng pansin. | ulat ni Nimfa Asuncion