Puspusan na rin ang paghahanda ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor sa lalawigan ng Cavite sa epektong posibleng idulot ng bagyong Betty, sa sandaling makapasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ngayong araw, nagsagawa na ng Pre-Disaster Risk Assessment Meeting ang Sangguniang Lungsod, Department Heads, at ang City Disaster Risk Reduction and Management Office
Dito, kanilang tinalakay ang mga paghahanda sakaling maramdaman na rin sa kanilang lungsod ang epekto ng bagyo gayundin ay tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mamamayan.
Bagaman una nang sinabi ng PAGASA, na hindi tatama sa kalupaan ang bagyong Betty, ikinasa rin sa nasabing pagpupulong ang mga hakbang na kanilang gagawin bago, habang at matapos dumaan ng bagyo.
Kabilang na rito ang ginagawang clean up drive sa lungsod, upang alisin ang nakabarang basura sa mga kanal at iba pang daluyan ng tubig lalo pa’t nalalapit na rin ang panahon ng tag-ulan. | ulat ni Jaymark Dagala