Humina pa ang Bagyong Betty habang nasa karagatan ng Batanes.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 350km silangan ng Basco Batanes, taglay ang lakas ng hanging nasa 150 kph at pagbugsong 180 kph.
Kumikilos pa rin ito pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.
Nananatili naman sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 ang Batanes, at northeastern portion ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands.
Habang nasa ilalim ng Signal no. 1 ang nalalabing bahagi ng Cagayan, northern at eastern portions ng Isabela (Santo Tomas, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Maconacon, Naguilian, Mallig), eastern portion ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Marcos, Pagudpud, Banna, Adams, Carasi, Dingras, Solsona, Dumalneg, Nueva Era), Apayao, northern portion ng Kalinga (City of Tabuk, Balbalan, Pinukpuk, Rizal), at ang northeastern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)
Dahil namang patuloy na pinaiigting ng Bagyo ang hanging habagat, nakataas pa rin ang gale warning sa seaboards ng Northern Luzon, eastern seaboards ng Central Luzon, seaboards ng Southern Luzon, at seaboards ng Visayas.
Batay sa forecast track ng PAGASA, inaasahang patuloy na hihina na ang Bagyong Betty sa mga susunod na araw at maging severe tropical storm na lang sa Huwebes bago ito lumabas ng PAR sa Biyernes. | ulat ni Merry Ann Bastasa
: PAGASA