Muling ibinalik sa super typhoon category ang bagyong Mawar matapos na lumakas pa ito habang kumikilos palayo ng Guam at papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa 5am weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang mata ng bagyong Mawar sa layong 2,130 km silangan ng southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong 230 kph.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15kph.
Ayon sa PAGASA, wala pa ring direktang epekto sa bansa ngayon ang bagyong Mawar at inaasahang sa Biyernes o Sabado pa rin ito papasok ng PAR.
Sa weekend naman, inaasahang hahatakin ng bagyo ang habagat na magpapaulan sa western section ng southern Luzon, Visayas, at Mindanao. | ulat ni Merry Ann Bastasa