Sa tulong ng DSWD, ay muling nakapiling ng inang si Melanie ang kanyang anak na ilang buwan ding ayaw bitawan ng Gentle Hands Inc. (GHI) kahit na ito ay dapat na ‘temporary custody’ lamang.
Ito’y sa bisa ng Parental Capability Assessment Report na inilabas ng DSWD-NCR para maibalik na ang kustodiya ng sanggol na si Baby Marcus sa kanyang 27-gulang na nanay.
Kasama si Baby Marcus sa higit 100 bata na inilipat mula sa kustodiya ng GHI nang ito ay patawan ng Cease and Desist Order.
Sa isang presscon, ibinahagi ni Nanay Melanie na inilagak lamang nito pansamantala noon sa Gentle Hands ang kanyang anak dahil ito ay buntis rin at hirap alagaan mag-isa ang anak.
Matapos manganak noong April 25 ay bumalik rin aniya sa GHI si Melanie para balikan ang anak ngunit hindi na pinagbigyan ng ampunan kahit na naka-comply na ito sa parental capability assessment.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez, umabot pa sa puntong nagreklamo sa Office of the President-Office of the Cabinet Secretary (OP-OCS) 8888 Citizens Complaint Hotline ang nanay kung saan siya inalalayan ng DSWD-NCR.
Punto ni Asec. Lopez, may malinaw na pagkukulang ang Gentle Hands kung bakit matagal na naiproseso nito ang pag-release sa bata gayong pwede na itong ibalik sa kanyang magulang.
Kaugnay nito ay sinisilip na rin ng DSWD ang dalawa pang kaparehong kaso ng temporary custody na hindi binitawan ng GHI. | ulat ni Merry Ann Bastasa