Ibinaba na ng Land Transportation Office (LTO) ang halaga ng bayarin sa medical examination na sinisingil ng mga accredited medical clinic para sa aplikasyon ng student permit at driver’s license.
Ginawa ito ni LTO Chief Jay Art Tugade, bilang tugon sa mga reklamo kaugnay ng mataas na halaga ng medical examination na isa sa mga requirement sa pagkuha ng driver’s license.
Sinabi ni Tugade, na magiging P300 na lang ang maximum prescribed rate ng medical examination fee na sisingilin sa mga driver-applicant.
Maaari rin aniya na maningil ng mas mababa pa sa P300.
Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO accredited medical clinics at health facilities.
Sinumang hindi susunod sa bagong polisiya ng LTO ay may kakaharaping kaparusahan. | ulat ni Rey Ferrer