Muling hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga principal at school heads na magpatupad ng blended learning sa gitna ng napakainit na panahon.
Ipinanawagang muli ito ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education matapos baguhin at i-upgrade ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang warning status sa El Niño Alert mula El Niño Watch.
Pinaalala rin ni Gatchalian na may otoridad ang mga principal na magkansela ng klase kung makikita nilang sobrang init ng panahon.
Una dito, ilang mga paaralan na ang nagpatupad ng blended learning, kung saan isinasagawa ang face-to-face classes sa mga oras na may mas maginhawa at komportableng temperatura at sinasabayan din ng pagtuturo gamit ang alternative learning delivery modes.
Matatandaang ipinanukala ng senador ang pagbabalik ng dating schedule ng summer vacation. | ulat ni Nimfa Asuncion