Bilang remedyo sa mainit na panahon ay inaprubahan ng Valenzuela Schools Division Office ang pagpapatupad ng blended learning para sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod mula Kinder hanggang Grade 12 simula ngayong araw, May 4 hanggang May 5.
Alinsunod ito sa nauna nang memo na inilabas ng Department of Education (DepEd) bilang konsiderasyon sa kalusugan ng mga mag-aaral na pumapasok sa in-person classes at nakararanas ng matinding init ng panahon.
Base sa memorandun na ito, ang bagong blended learning iskedyul para sa elementarya at sekondaryang antas ay:
6:00 AM – 10:30 AM – In-person Classes (AM Session)
10:31 AM – 12:30 PM – Asynchronous Classes (AM Session)
12:31 PM – 2:30 PM – Asynchronous Classes (PM Session)
2:31 PM – 7:00 PM – In-person Classes (PM Classes)
Samantala, ang Home-Based Learning naman ay ipatutupad sa pamamagitan ng Self-Learning Modules (SLM) at distance learning activities.
Ang pagbabago naman ng iskedyul sa klase ng mga pribadong paaralan ay nakasalalay sa desisyon ng kanilang punong-guro o ng school administrator.
Gagawin namang lingguhan ng SDO-Valenzuela ang paglalabas ng update sa pasok sa mga eskwelahan na ibabatay sa sa temperature advisory ng PAG-ASA. | ulat ni Merry Ann Bastasa