Humihingi ng kapatawaran ang simbahang katolika sa mga mananampalataya nito hinggil sa nangyayaring legal battle sa pagitan ng mga mismong miyembro nito.
Matatandaang sinampahan ng kaso ng deboto at dating mahistrado na si Harriet Demetriou ang excorcist priest na si Fr. Winston Cabading matapos nitong tawaging “demonic” ang isang aparisyon ng Birheng Mariya noong 1948, na siyang itinuring ni Demetriou na hindi maganda at “notoriously offensive”.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, inaako nila ang mga ganitong pagkakamali.
Aniya posibleng may pagkukulang sila bilang mga pinuno ng simbahan sa pagsasagawa ng mga dayalogo hinggil sa mga katulad na sitwasyon.
Ayon kasi sa vatican, ang naturang aparisyon ng Birheng Mariya noong 1948 ay “not supernatural in origin”.
Dahil dito ay nagbunga ang isang legal battle sa pagitan ng alagad ng simbahan at mismong tagasunod nito kung saan lubos na ikinalulungkot ng simbahan.
Ayaw naman nang magkomento ng CBCP hinggil sa mismong kaso dahil nasa korte na anya ito subalit hindi aniya ikagugulat ni David sakaling magdesisyon ang korte na ang nasabing usapin ay labas sa kaalaman nito.
Paliwanag naman ng obispo hinggil sa pagbansag ng “demonic” sa nasabing aparisyon ay kinakailangan ng seryosong pag-unawa mula sa mga obispo na hanggang sa ngayon aniya ay nakabatay pa rin sa naunang desisyon ng Rome hinggil dito. | ulat ni Lorenz Tanjoco