Inabisuhan na ng National Electrification Administration (NEA) ang electric cooperatives (ECs) sa bansa na paghandaan ang posibleng epekto ng bagyong Betty sa kanilang mga pasilidad.
Partikular na inatasan ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ang mga kooperatiba na maglatag na ng kanya-kanyang contingency measures para mabawasan ang impact ng bagyo na posibleng makaapekto sa kanilang serbisyo.
Pinaa-activate na rin sa mga EC ang kanilang Emergency Response Organization para sa agarang pagpapatupad ng emergency response plans kung kinakailangan.
At pinatitiyak na nakapreposisyon na ang kanilang mga materyales at buffer stocks para sa mga pagkakataong mangangailangan ng power restoration.
Pinapayuhan ang mga EC na agad magsumite ng damage at power situation reports sa NEA DRRMD. | ulat ni Merry Ann Bastasa