Napapanahon nang pag-aralan kung kailangan pa ba o maaari nang alisin ang mga natitirang health protocol na ipinatutupad ng bansa laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Infectious Diseases Expert Dr. Edcel Salvana, kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na hindi na maituturing na isang global health emergency ang COVID-19.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng eksperto na mula noong kasagsagan ng pandemiya, marami na ring mga restriksyon ang unti-unting inalis.
Halimbawa dito ang hindi na aniya pagsuri sa vaccine cards ng mga pumapasok sa bansa.
Ngayong alam na aniya ng buong mundo kung paano mabuhay kasama ang COVID-19, panahon na rin aniya upang muling silipin ang ilan pang-restrictions at timbangin ang pangangailangan pang ipatupad ng mga ito.
“Maaring dahan-dahan na rin nating i-phase out, katulad diyan ‘yung mga quarantine, isolation, require ng vaccination cards…Iyong mga natitira pang restrictions na ganoon, baka pag-aralan natin kung gaano pa sila ka-necessary o hindi kung hindi na sila necessary, i-phase out na natin iyong mga ganon.” —Dr. Salvana. | ulat ni Racquel Bayan