Posibleng mag-angkat muli ang bansa ng hanggang sa 22,000 metriko toneladang pula at puting sibuyas kung patuloy pa ring sisipa ang presyo nito sa merkado.
Ito ang inihayag ni DA Deputy Spox Asec. Rex Estoperez na isa sa mga natalakay sa ginanap na pulong ng kagawaran sa mga stakeholder kaugnay sa tumataas na namang presyo ng sibuyas.
Ayon kay Asec. Estoperez, ibinase sa monthly consumption ng bansa ang naturang volume.
Kaugnay nito ay tinitignan rin ang government to government contract sa importasyon nang hindi makontrol ng mga pribadong trader ang suplay at presyuhan ng sibuyas.
Umaasa ang DA na sa pamamagitan nito ay mapababa ang bentahan ng sibuyas sa ₱70- ₱80 kada kilo kumpara sa kasalukuyang presyuhan sa mga pamilihan sa Metro Manila na naglalaro na sa ₱180-₱200 ang kada kilo.
Bukod dito, isa pa sa pinaplano ng DA ang paigtingin ang ugnayan sa Metro Manila mayors para naman masolusyunan ang problema sa mga trader na nang-iipit sa suplay ng lokal na sibuyas sa mga cold storage facility.
Kung kinakailangan, pinag-iisipan din ng DA ang magpataw ng SRP sa sibuyas para hindi na sumipa pa ang presyo nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa