Humirit na ang Department of Agriculture (DA) ng ₱18-milyong budget para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations sa mga lugar na hindi uulanin dahil sa El Niño phenomenon.
Kasama ito sa mga hakbang na inilalatag na ng DA para mabawasan ang posibleng epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay DA Field Operations Service OIC U-Nichols Manalo, kung pagbabatayan ang pinakahuling climate outlook ng PAGASA, posibleng maramdaman na ang below normal rainfall sa CAR, Region 1-6, 8, at CARAGA pagsapit ng Oktubre.
Kaya naman, ngayon palang ay puspusan na ang kanilang paghahanda at paglalatag ng mga intervention para sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang dito ang paglilipat ng planting calendar, pagbabago ng mga itatanim na binhi, pari na ang pagpapalawak sa water management sa tulong ng National Irrigation Administration (NIA).
Samantala, tiniyak naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakaalerto na rin ito sa banta ng El Niño sa mga palaisdaan partikular na sa mga land based aquaculture .
Payo nito sa mga may palaisdaan, huwag mag-over stock nang hindi maapektuhan ng fish kill. | ulat ni Merry Ann Bastasa