Umapela ng tulong ang Department of Health (DOH) sa Kongreso upang mapunan ang kakulangan ng health workers sa bansa.
Sa ikinasang briefing ng House Committee on Appropriations hinggil sa budget utilization ng DOH, inihayag ni Malasakit at Bayanihan Party-list Representative Anthony Rolando Golez ang pagkabahala sa napaulat na kulang ang bansa ng 95,000 doktor at 300,000 nurse.
Paliwanag ni DOH Officer in Charge Ma. Rosario Vergeire, ang kakulangan sa health workers ay dahil na rin aniya sa limitadong plantilla position.
Karamihan aniya sa nakausap nilang health care workers group ay nagsasabi na 40 to 50 percent ng trabaho sa local at national health facilities ay job orders lamang.
Kaya’t hiling nito sa mga mambabtas na madagdagan ang pondo ng ahensya upang makapagbukas ng dagdag na posisyon para sa mga doktor at nurse.
“Nakausap po namin ang iba’t ibang sektor ng health care worker natin and one of our major issues is almost 40 to 50 percent of our health care workers working now in our facilities and even in the communities are job orders. So yun po ang inihihingi namin ng tulong sa inyo, baka pwede natin madagdagan ang plantilla positions,” ani Vergeire.
Ayon naman kay Golez, kailangan lamang ng DOH na ilapit ito sa Kongreso.
Punto pa nito, na hindi maaaring magsayang ng pondo para sa pagpapatayo ng mga health facility nang wala namang sapat na suplay ng health care worker. | ulat ni Kathleen Forbes