Bilang paggunita sa labor day, muling isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang panukalang Enhanced Kasambahay Act (senate bill 299) para madagdagan ang karapatan at benepisyo ng mga kasambahay sa bansa.
Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ng karapatan ang mga kasambahay na maglaan ng hindi bababa sa isang oras araw-araw para sa alternative learning o skills education.
Ituturing itong “compensable working hour” o kasama sa magiging sweldo ng kasambahay.
Iminungkahi rin ng independent senator na bumuo ang gobyerno ng praktikal na module para sa alternative education ng mga kasambahay, na hahawakan ng ‘Kasambahay Education Inter-Agency Committee.’
Nais din ni Cayetano na mabigyan sila ng mga lokal na pamahalaang nakakasakop sa kanilang pinagtatrabahuhan ng libreng maintenance medicine para sa iba’t ibang karamdaman gaya na ang diabetes, hypertension, asthma, at tuberculosis.
Ang mga bibilhing gamot ay sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). | ulat ni Nimfa Asuncion