Bebendisyunan ng Philippine Navy ang kanilang dalawang bagong-deliver na Fast Attack Interdiction Craft – Missile (FAIC-M) gunboat sa darating na Lunes.
Ang dalawang Acero-Class gunboat ay papangalanang BRP GENER TINANGAG (PG903) at BRP DOMINGO DELUANA (PG905) sa christening Ceremony sa Naval Shipyard, Naval Sea Systems Command, Naval Station Pascual Ledesma, Fort San Felipe, Cavite City.
Ang mga 32-metrong gunboat na armado ng “remote stabilized weapons”, at “short-range missiles” ay bahagi ng FAIC-M Acquisition Project ng Philippine Navy.
Sa ilalim ng proyekto, 9 na Shaldag Mark Five fast patrol craft ang binili ng Phil. Navy sa Israel Shipyards Ltd, sa halagang 10 bilyong piso.
Unang idineliver noong nakaraang taon ang BRP Nestor Acero (PG901) at BRP Lolinato To-ong (PG902) na kasalukuyang ginagamit sa maritime patrols. | ulat ni Leo Sarne
?: Philippine Navy