Sinimulan nang pagdebatehan sa plenaryo ng Senado ang panukalang pagtatatag ng Maharlika Investment fund (Senate Bill 2020).
Unang bumusisi sa panukala sina Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Senador Grace Poe.
Sa interpellation ni Dela Rosa, ipinaliwanag ng sponsor ng panukala na si Senador Mark Villar, na ang itinuturing na sovereign wealth fund ay isang special purpose investment fund na pagmamay-ari ng pamahalaan.
Ginagamit aniya ang pondong ito para i-maximize ang assets ng gobyerno, at makagawa ng mas malaking kita pabor para sa pamahalaan.
Dinagdag rin ni Villar, na kaiba ang Maharlika Investment Fund sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na may investments din gamit ang pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin naman ni Poe sa kanyang interpelasyon ang kwalipikasyon at proseso ng pagpili ng board of directors na mamamahala sa pondo.
Ayon kay Villar, ang investment fund ay pamamahalaan ng siyam na board of directors na itatalaga ng Pangulo ng bansa at titiyaking may malawak na karanasan sa corporate governance and administration, investment ng financial assets, at management ng investments sa global at local markets. | ulat ni Nimfa Asuncion