Ipinapanukala ni OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino na ideklara ang December 18 ng kada taon bilang OFW Day.
Sa ilalim ng kaniyang House Bill 7908, ang Araw ng mga OFW ay ipagdiriwang tuwing December 18 at magiging isang special working holiday.
Para sa mambabatas, paraan ito upang bigyang pagkilala ang sakripisyo ng mga overseas Filipino worker.
“House Bill 7903 seeks to declare December 18 of every year as a special working holiday in the entire country to be referred to as the “Overseas Filipino Workers’ Day” in recognition of the important contributions of OFWs to nation-building and in respect of their personal sacrifices. It is but fitting to honor them and designate a special day celebrating our OFWs – ang bida ng ating bayan.” saad sa panukala ni Magsino.
Paalala pa ng lady solon na noong kasagsagan ng pandemiya, ang remittances ng mga OFW ang naging sandigan ng ating ekonomiya.
Katunayan noong 2021 umabot sa $34.8 billion ang OFW remittance.
Napili naman ang naturang petsa bilang pagtalima na rin sa resolusyon ng United Nations’ General Assembly noong 1990 na nagproklama sa December 18 bilang International Migrants Day.
Batay aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 1.8 milyon na OFW ang nasa iba’t ibang panig ng mundo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes