Ipinapanukala ni Senador Jinggoy Estrada ang pagkakaroon ng digital copies ng lahat ng mga textbook at reference books ng mga pampublikong paaralan sa elementary at secondary levels, para maisakatuparan ang 1:1 textbook-to-student ratio.
Paliwanag ni Estrada, mas madaling magkaroon ng access ang mga estudyante sa digital copies ng mga libro gamit ang internet kumpara sa pisikal na mga libro.
Sa ilalim ng Senate Bill 2075 o ang panukalang Philippine Online Library Act ng senador, layong magtatag ng Philippine Online Library na magsisilbing repository ng lahat ng digitized copies ng textbooks at reference materials na ginagamit ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.
Bukod sa mapupunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral at guro, ang pagkakaroon ng database ay magiging kapaki-pakinabang rin aniya sa mga susunod na henerasyon.
Nakasaad sa panukala na ang Philippine Online Library ay magkatuwang na pamamahalaan ng Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communication Technology (DICT).
Para matiyak ang access sa mga ito, maglalagay ng mga computer at laptops ang DepEd sa lahat ng pampublikong primary at secondary schools, at ang DICT naman ay aatasan na maglagay ng mabilis at maasahang internet connection.
Imamandato rin ng panukala ang pag-recycle ng mga computer, laptop at iba pa ang lahat ng national government agencies, government-owned and controlled corporations at and government financial institutions. | ulat ni Nimfa Asuncion