Inalerto na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Regional Directors nito kaugnay sa paparating na bagyo.
Sa inilabas na advisory, inatasan ang mga ito na makipag-ugnayan sa kanilang Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils.
Nagpaalala din ang DILG sa mga local government unit na maghanda sa epekto ng bagyo.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., kailangang gamitin ng mga LGUs ang HazardHunterPH upang makabuo ng mga indicative hazard assessment reports sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Binigyan din ng direktiba ang mga local DRRMCs na mag-convene na at magsagawa ng pre-disaster risk assessments ukol sa mga sakuna.
Inatasan din ang mga LGU na magtatag at mahigpit na magpatupad ng mga kritikal na aksyon sa paghahanda batay sa Operation LISTO Protocols at DILG Memorandum Circular 2020-125.
Sabi pa ng kalihim, sa pamamagitan ng mga proactive at preventive measures laban sa Super Typhoon #Mawar, umaasa ito na mabawasan ang mga posibleng maging casualty. | ulat ni Rey Ferrer