Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang pamamahagi ng social pension para sa senior citizens ngayong araw.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, tig-P3,000 ang tatanggapin ng bawat senior citizen para sa anim na buwan o mula Enero hanggang Hunyo.
Sa ilalim ng social pension program ng city government, P500 ang ibibigay sa isang benepisyaryo kada buwan.
Sinabi ni Zamora na mahigit P16-milyon ang inilaang pondo ng LGU para sa 5,409 total senior citizens sa lungsod.
Hinati-hati ng pamahalaang panlungsod ang distribusyon ng pensyon sa mga barangay sa loob ng limang araw.
Umaasa naman si Zamora na kahit paano ay makatutulong ang halagang tatanggapin ng mga matatandang residente para sa gamot at iba pang gastusin. | ulat ni Hajji Kaamiño