Bumisita sa Cordillera Administrative Region (CAR) si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian para paigtingin pa ang pakikipag-partner sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng social protection programs sa rehiyon.
Sa Ifugao, pinangunahan ng kalihim at Ifugao Governor Jerry Dalipog ang paglagda ng Deed of Donation para sa 1,037 square meter parcel ng lupain kung saan itatayo ang DSWD FO CAR warehouse at Social Welfare and Development (SWAD) Office.
Ayon sa kalihim, magsisilbi itong disaster response hub sa rehiyon upang matiyak ang sapat na suplay ng relief goods sakaling tumama ang isang kalamidad.
Bukod rito, nagkaroon din ng tripartite signing para sa implementasyon ng Sustainable Livelihood Program (SLP) – Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) sa conflict-vulnerable areas sa lalawigan.
Kasunod nito, dumiretso naman ng Baguio si Sec. Gatchalian para pangunahan ang pamamahagi ng second batch ng Livelihood Settlement Grant (LSG) sa 469 vendors na naapektuhan ng sunog sa Baguio City Public Market noong Marso.
Nakatanggap ang bawat isang benepisyaryo ng tig-₱10,000 bilang bahagi ng early recovery intervention ng DSWD. | ulat ni Merry Ann Bastasa