Ipinaliwanag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan ang kanyang naging payo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay sa pag-aangkat ng asukal.
Ito ay sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa Sugar Order Number 6.
Ayon kay Balisaacn, pinagbatayan nila sa konklusyon na kailangan ng bansa na mag-angkat na ng asukal ay ang datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay sa inflation.
Batay aniya sa datos, mula June 2022 hanggang Enero 2023 ay pataas ang sugar inflation mula sa 10.1 percent hanggang umabot ito sa 38.8 percent.
Sa panig naman ng Department of Trade and Industry (DTI), sinabi ni Secretary Alfredo Pascual, na ang importasyon ay layong resolbahin ang kakapusan ng suplay at ang mataas na presyo ng asukal.
Samantala, ibinahagi naman ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban, na matapos ang isang cabinet meeting ay ipinatawag siya ni Pangulong Marcos para sa isang meeting para tugunan ang mataas na inflation ng asukal.
Sa naturang pagpupulong aniya ay sinabihan siya ng punong ehekutibo, na kinakailangan nang mag angkat para mapababa ang presyo ng asukal sa merkado. | ulat ni Nimfa Asuncion