Iginiit ni Senador Chiz Escudero na ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang siyang dapat na pangunahing sumagot sa pagpapahintulot sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na maningil para sa mga hindi pa natatapos na mga proyekto.
Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos sabihin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat isauli ng NGCP sa mga konsumer ang siningil nito para sa “unfinished projects”.
Paliwanag ni Escudero, lahat ng may kaugnayan sa electric bill ay dumadaan sa pag-apruba ng ERC.
Kaya naman dapat aniyang tanungin ang komisyon kung bakit nito pinayagan ang NGCP na kumolekta ng bayad para sa mga kinuwestiyong mga proyekto.
Sinabi pa ng mambabatas na maling kalampagin ang NGCP dahil bilang isang pribadong korporasyon ay hindi ito masisisi kung maghahangad ito ng kita bilang normal ito sa isang negosyo.
Binigyang diin ni Escudero na ang ERC ang regulatory agency na siyang may tungkulin na pigilan at itama ang mga pang-aabuso sa merkado, lalo na sa power sector. | ulat ni Nimfa Asuncion
📷Office of Sen. Chiz Escudero