Biyaheng Indonesia bukas (May 9) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang makibahagi sa ika-42 ASEAN Summit na gaganapin sa Labuan Bajo, Indonesia, at tatagal hanggang sa ika-11 ng Mayo.
Dito inaasahang isusulong ng pangulo ang agenda ng Pilipinas, para sa food at energy security ng mga Pilipino.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs Spokesperson Tess Daza na bibigyang diin rin ng pangulo ang kahalagahan ng ASEAN centrality sa rehiyon sa gitna ng geopolitical issues.
Kabilang rin sa mga ipupunto ni Pangulong Marcos Jr. ang mga hakbang para sa economic recovery, paggamit ng mga teknolohiya na magpapagaan sa epekto ng climate change, pagprotekta sa migrant workers, at paglipat sa renewable at alternative energy technology.
“Here, the President during this meeting, the President will discuss developments and the BIMP-EAGA Vision 2025 towards promoting economic development, strengthening connectivity and the sustainable management of natural resources in the sub-region,” — Spox Daza.
Inaasahan na gagamitin rin ng pangulo ang pagkakataon upang makausap ang iba pang world leaders at private groups. | ulat ni Racquel Bayan