Umaapela sa pamahalaan ang ilang Anti-smoking advocate na mahigpit na ipatupad ang Philippine Vape Law.
Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay at nagkakasakit dahil sa paninigarilyo.
Sabi ni Mr. Joze Songsong ng ASCRA Consulting Inc., nasa 19.5% ng mga Pilipino ang gumagamit ng sigarilyo araw-araw.
Sa bilang na ito, 12.5% ay mga estudyante na edad 13 hanggang 15.
321 naman ang namamatay araw-araw sa iba’t-ibang uri ng sakit dulot ng paninigarilyo.
Sabi naman ni Dr. Ehsan Latif, Senior Vice President ng Foundation for A Smoke-Free World, ang paggamit ng electronic cigarettes ang isa sa pwedeng gamitin upang tuluyang makaiwas sa paggamit ng tabako.
Sa United Kingdom, naging epektibo ang paggamit ng e-cigarette sa pag-iwas ng mga adult sa paninigarilyo gamit ang tabako.
Ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act ay naisabatas noong July 25, 2022 habang ang Implementing Rules and Regulations ay nailabas noong December 5, 2022.
Subalit, mula nang maging ganap na batas ang Philippine Vape Law ay tila naging makupad ang pamahalaan sa pagpapatupad nito. | ulat ni Michael Rogas