Umakyat na sa Php3.5 million na halaga ng iligal na vape ang nakumpiska ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mas pinahigpit na laban ng pamahalaan kontra sa mga paglabag sa Vape Law.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DTI Usec Ruth Castelo na nasa 21, 708 na notice of violation na rin ang kanilang nailabas, para sa mga nagbebenta ng vape online.
Ayon sa opisyal, dito pa lamang sa Metro Manila, nasa higit 500 vape shops na rin ang nainspeksyon ng kanilang hanay, at madadagdagan pa aniya ito dahil sa intensified operations ng pamahalaan laban sa iligal na vape.
Kaugnay nito, muling umapela ang opisyal sa mga nagnenegosyo ng vape na tumalima sa mga regulasyong itinatakda ng batas. Lalo’t sila sa DTI, ayaw rin namang ipasara ang mga establisyimentong ito, bagkus ay ang pagsunod lamang sa kung ano ang itinatakda ng batas.
“Ayaw naman natin silang magsara o mawalan ng negosyo, ang gusto lang natin sa kanila ay mag-comply, kasi imagine pag-nahulihan natin tapos ang penalty nila ay Php2 million, ang kapital nila, nag-umpisa, sa Php300, 000 o Php500, 000, walang matitira sa negosyo nila, talagang isasara. Kaya as much as possible ang panawagan natin, sumunod sila sa batas para maituloy nila ang kanilang negosyo.” —Usec Castelo. | ulat ni Racquel Bayan