Maagang dinagsa ng mga aplikante ang pagbubukas ng Mega Job Fair na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Malabon sa Oreta Sports Complex ngayong araw.
Ayon kay Malabon Public Employment Service Office (PESO) OIC Luziel Guttierez Balajadia, nasa higit 9,000 job offers ang naghihintay sa mga job seeker na magtutungo rito mula sa 53 employers na nakilahok sa Mega Job Fair.
Maaaring mag-apply rito ang mga working student, Undergraduate/Bachelor’s Degree Holder, Senior Citizens, Persons with Disabilities at Displaced Overseas Filipino Workers.
Ilang graduating students rin mula sa City Malabon University na gaya nina Dwayne at Abegail ang nagtungo dito sa Mega Job Fair event para silipin ang mga trabahong swak sa kanilang mga course.
Pinapayuhan ang mga job seeker na magdala ng maraming kopya ng resume, sariling ballpen, magsuot ng angkop na kasuotan at ihanda ang sarili para posibleng interview sa employer.
Bukod naman sa mga employment agencies ay may mga ahensya rin ng pamahalaan na nakibahagi sa Mega Job Fair gaya na lang ng SSS, PhilHealth, at PAGIBIG.
Tatagal ang job fair hanggang mamayang alas-5 ng hapon. | ulat ni Merry Ann Bastasa