Pinairal ng House Committee on Appropriations ang oversight powers nito sa paggastos ng mga ahensya ng gobyerno sa inilaang pondo para sa kanila.
Unang sumalang dito ang Department of Health (DOH).
Ayon kay AKO BICOL party-list Rep. Elizaldy Co, chair ng komite, nais nilang matiyak na nagugugol ng tama ang budget ng DOH at naipatutupad ang mga programa para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“We want to make sure that the DOH is delivering the services that our people need, and that every peso of the people’s money is being spent wisely. We owe it to our constituents to ensure that they are getting the healthcare services that they deserve,” saad ni Co.
Kasabay nito ay binigyang-diin ni Co sa DOH na mahalagang maibaba sa mga lokal na pamahalaan at gawing accessible hanggang barangay level ang COVID-19 antigen test kits.
Tinukoy pa nito na salig sa Bayanihan Act dapat naibababa ng DOH sa mga barangay ang COVID-19 supplies at equipment.
“Antigen test kits should be accessible up to the barangay level as per Bayanihan Act. We should not make it difficult for the people to have access to these test kits, especially now that we are seeing an increase in Covid cases,” ayon sa kinatawan.
Kasama rin sa nausisa sa budget ng DOH ay ang nasa 20,000 na bakanteng posisyon nito.
Ayon sa House appropriations chair, napaglaanan na ng pamahalaan ng budget ang naturang mga posisyon kaya dapat maging maagap ang DOH na mapunan ito lalo na sa kinahaharap na health crisis ng bansa.
“The DOH has already been allocated a budget for these vacant positions, and it is imperative that they be filled immediately to help address the ongoing health crisis,” dagdag ng kongresista. | ulat ni Kathleen Jean Forbes