Umapela si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa liderato ng Kamara na ipasa na rin ang bersyon nila ng panukalang batas na magtataas ng allowance ng mga guro para sa teaching supplies.
Ito’y matapos pagtibayin ng senado sa ikatlo at huling pagbasa ang “Kabalikat ng Pagtuturo Act” na siyang counterpart measure sa House Bill 4383 o Teaching Supplies Act na magbibigay ng P10,000 teaching supplies allowance sa mga guro.
Sa bersyon ng senado para sa school year 2023-2024, ang naturang allowance ay itataas ng P7,500 mula sa dating P5,000 at saka gagawing P10,000 pagsapit ng SY 2024-2025.
Ayon sa kinatawan, sana’y maaprubahan na agad ang panukalang batas na ito upang mahinto na ang pag-aabono ng mga guro sa kanilang teaching supplies at materials. | ulat ni Kathleen Jean Forbes