Humihirit si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa Senado na agad na aksyonan at ipasa ang panukalang palawigin ang “Estate Tax Amnesty.”
Ito’y matapos pagtibayin na ng Kamara ang panukala kung saan mula June 14, 2023 ay ie-extend ang Tax Amnesty ng dalawang taon o hanggang June 14, 2025.
Ayon kay Salceda, dapat ay maaprubahan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panukala bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa June 3, 2023, upang agad ding mai-akyat at mapirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at tuluyang maging batas.
Pagbibigay-diin ng economist solon, mahalaga ang extension ng Estate Tax Amnesty lalo’t inaasahang makikinabang dito ang nasa isang milyong pamilyang Pilipino na pawang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ngayong araw ay nakatakdang talakayin ng Senado ang kanilang bersyon ng panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes