Nababahala si House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Representative Paul Daza, na mauwi sa pagsasara ng ilang private universities at colleges dahil sa umaabot na P6 bilyong utang ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa ginawang press conference ni Daza sa Kamara, sinabi nito na mayorya ng private universities and colleges ay may utang ang CHED, at hindi pa ito bayad dalawang taon nang nakalipas.
Ang utang ay mula sa Tertiary Education Financial Assistance para sa mga mahihirap na estudyante sa ilalim ng Republic Act 10931 o Free Access to Tertiary Education Act.
Paliwanag pa ng mambabatas, lumalabas sa mga ginawang pagdinig ng House Committee on Higher Education, na kulang ang pondo na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa CHED para sa naturang programa.
Aniya, tututukan ng House Committee on Appropriations na mapondohan ang budget ng programa sa taong 2024. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes