Iniulat ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na bumaba ang index crime sa buong bansa ng 10.87 porsyento sa unang quarter ng taong ito kumpara sa nakalipas na taon.
Sa isang statement, sinabi ng PNP Chief na batay ito sa datos mula sa 17 Police Regional Offices mula Enero 1 hanggang Mayo 4 ng taong kasalukuyan.
Sa loob ng nabanggit na panahon, nakapagtala ang PNP ng 12,508 na insidente ng index crime, na mas mababa sa 14,034 na insidente sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Ang index crime ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, motorcycle theft at vehicle theft.
Sinabi ng PNP Chief na para maging mas-epektibo ang mga pulis sa pagtugon sa krimen, ipatutupad niya nationwide ang 3-minute response time sa mga insidente na kasalukuyang ipinaiiral ng Quezon City Police District sa pamamagitan ng kanilang “state of the art” Integrated Command Control Center (ICCC). | ulat ni Leo Sarne