Patuloy ang sabayang pagsasanay ng Philippine Air Force (PAF) at United States Air Force (USAF) sa ika-apat na araw ng COPE Thunder Exercise.
Ayon kay PAF Spokesperson Colonel Ma. Consuelo Castillo, bilang bahagi ng ehersisyo nagsagawa ng mga sortie sa Intensive Military Training Areas (IMTAs) sa Luzon ang mga piloto ng PAF at USAF.
Ginamit dito ang FA-50PHs aircraft mula sa 7th Tactical Fighter Squadron 5th Fighter Wing ng PAF at F-16s ng 14th Fighter Squadron ng USAF.
Ayon kay Castillo, ang mga misyon ay dinisenyo para mapabuti ang pagsasanay sa iba’t ibang klaseng Counter Air Operations scenario, para mapahusay ang interoperability ng mga piloto ng dalawang bansa sa mga pinagsanib na operasyon sa hinaharap.
Ang Cope Thunder 23-1, ang unang pagkakataon makalipas ang 30 taon na muling isasagawa ang ehersisyo sa pagitan PAF at US Pacific Air Force matapos itong itigil noong 1990. | ulat ni Leo Sarne