Nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-uusap pa din ang kailangan upang maresolba ang isyu sa Malampaya na kapwa iginigiit ng Pilipinas at ng China na mayroon silang claim.
Sa naging pagtungo ni Pangulong Marcos sa Center for Strategic and International Studies sa Washington DC, sinabi nitong pakikipag-usap pa din ang paraan para maaayos ang isyu at sa huli ay makabuo ng kasunduan.
Bagamat naninindigan aniya tayong pasok sa ating Exclusive Economic Zone ang Malampaya natural gas fields ay iginigiit naman sa kabilang banda ng China na may karapatan din sila sa ilang bahagi ng lugar.
Sa kabila ng may pinanghahawakan aniya ang bansa na pagkilala mula sa UNCLOS ay hindi rin naman natitinag ang China sa kanilang paninindigang bahagi din ng kanilang teritoryo ang area.
Sa harap nito’y inihayag ng Punong Ehekutibo na papalapit na naman sa isang resolusyon ang isyung matagal nang pinag-uusapan at posibleng makabuo na din ng isang compromise sa pagitan ng Pilipinas at China. | ulat ni Alvin Baltazar