Adopted na ng House of Representatives ang Senate Bill 2020 o bersyon ng Senado ng Maharlika Investment Fund.
Ito’y bilang substitute sa House Bill 6608 ng Kamara.
Dahil dito, maaari na itong maiakyat sa tanggapan ng Pangulo ang panukala para lagdaan at maging ganap na batas.
Sa ilalim ng adopted version, malinaw na nakasaad ang pagbabawal sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance (PhilHealth) corporation, Pag-IBIG, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippines Veterans Affairs Office (PVAO) na mag-invest sa Maharlika Investment Fund.
Ito ay para matiyak na hindi magagalaw ang pension funds ng mga government at private sector employees.
Tulad ng House version ng MIF, naglagay rin ng safeguards gaya ng pagtatatag ng Maharlika Investment Corporation (MIC) advisory board; oversight powers ng Kongreso; at internal at external audit at competence ng mga board members ng MIC.
Mayroon ding nakapaloob na penal provisions sa panukala at proteksyon sa whistle blower.
Sa ilalim ng MIF, iipunin ang pondo ng government financial institutions o GFIs upang ipampuhunan at makakuha ng mas malaking kita na siya namang ilalaan sa mga pambansang programa at proyekto ng pamahalaan tulad sa kuryente, agrikultura at transportasyon.
Kabuuang P500-billion naman ang magiging capital stock nito na mas mataas sa P75-billion sa bersyon sa Kamara. | ulat ni Kathleen Jean Forbes